Mahigit 500 mangingisda sa Legazpi City ang nakatanggap ng relief goods mula sa City Government of Legazpi at Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Martes, Pebrero 13.
Ayon kay Sheila Nas, Legazpi City Agriculturist na kabilang sa nangasiwa sa isinagawang aktibidad sa Puro Covered Court, Legazpi City, ito ay para matulungan ang mga mangingisda na apektado ang pamumuhay ngayong panahon ng amihan. Sinabi pa ni Nas na palagi namang namamahagi ng tulong ang Legazpi LGU tuwing panahon ng kalamidad katuwang ang DSWD.
“Sabi ni Mayor (Carmen Geraldine Rosal) kanina, kapag daw dumiretso o ‘di pa matapos itong amihan, magbibigay ulit ang City Government of Legazpi ng karagdagang tulong galing na mismo sa kanilang opisina,” dagdag pa ni Nas.
Labis naman ang pasasalamat ng 59 anyos na si Jose Esquilador ng Lamba, Legazpi City na 15 taon nang mangingisda. Aniya, halos isang buwan na noong huli siyang nakapangisda dahil sa masamang panahon kung kaya’t napilitan siyang mag-sideline bilang construction worker.
“Masaya ako syempre kasi sa pamamagitan ng ganitong klaseng programa’y naaabutan rin kami ng tulong kahit papaano.”
Kabilang sa mga barangay na nakatanggap ng tulong kahapon ay ang Victory Village, Dapdap, Lamba, Puro at Sabang habang nakatakda naman sa mga susunod na araw ang iba pang barangay na kabilang sa 19 coastal barangays ng Legazpi City. I Gabby Bajaro