Pumanaw na ang dating gobernador na si Raul Lee sa edad na 82 habang ito ay naka-hospital arrest sa Sorsogon Provincial Hospital nitong Sabado, Enero 14.
Taong 1968 nang magsimulang pumasok si Lee sa mundo ng pulitika. Nagsilbi siya bilang punong barangay ng Sulucan sa nasabing taon. Hinirang siya bilang konsehal taong 1971 at kalaunan ay nahalal bilang alkalde sa bayan ng Sorsogon sa parehas na taon hanggang taong 1978.
Sa karera ng pampulitika ni Lee, ilang termino siyang nanilbihan bilang gobernador sa probinsya ng Sorsogon. Naupo ito sa pwesto simula noong 1978 matapos palitan ang dating gobernador na si Juan Frivaldo—kung saan dito rin nagsimula ang ilang dekadang tunggalian ng dinastiyang Lee laban sa huli.
Nagkaroon pa ng ilang tunggalian sa pagitan ng dalawang partido para sa pwesto makaraan ang maraming eleksiyon. Taong 1998 nang manalo si Lee sa pagka-gobernador laban kay Frivaldo kung saan naghain ito ng ‘electoral protest’ sa batayan umano ng pandaraya, terorismo at pagbili ng boto.
Matapos nito, nanilbihan pa ng ilang taon sa pwesto si Lee.
Criminal cases
Noong Agosto taong 2017, hinatulan si Lee ng Sandiganbayan ng apat na counts ng graft dahil sa pagkakasangkot nito sa sa P723M fertilizer fund scam. Sinentensiyahan si Lee ng 26 hanggang maximum 40 taong pagkakakulong.
Taong 2004 nang aprubahan ni Lee ang procurement ng overpriced 2,133 litro ng Bio Nature Organic Fertilizer mula sa supplier nito na Feshan Philippines, Inc. sa halagang P1,500 bawat isa kahit na ang presyo nito sa merkado ay nasa P180 lamang kada litro.
Hindi rin ito dumaan sa proseso ng public bidding at napatunayan din ng prosekusyon na sa panahon ng nasabing transaksyon, expired na ang lisensya ng Feshan para sa pagbebenta.
Bukod pa rito, taong 2021 nang hatulan ng Sandiganbayan ang dating gobernador ng 2 counts ng graft matapos ang maanolmayang ‘award of contracts’ sa First Education and Training Ventures Inc. (FETVI) para sa information technology equipment taong 2005 na gagamitin umano para sa iba’t ibang IT projects ng probinsya. Aabot naman sa 12 taong pagkabilanggo ang ibinigay na sentensiya sa dating gobernador.
Para sa unang graft case, ito ay matapos na aprubahan ni Lee ang halagang P10 milyon bilang kabayaran nito sa supplier-contractor na FETVI noong 2005 kahit na hindi kumpleto ang bilang at karamihan sa mga naipadalang items sa probinsya ay substandard at hindi alinsunod sa nakasaad sa kontrata. Samantala, ang isang kaso naman ay ang pag-apruba ni Lee sa kontrata sa FETVI nang walang anumang kinakailangang public bidding.