P100 kapalit ng pirma sa petisyon pabor sa Cha-cha?

Ayon sa press release ni Albay First District Representative Edcel Lagman nitong Sabado, Enero 6, ang mga kongresista umano na galing sa ‘supermajority coalition’ ay naglunsad ng isang kampanya para amyendahin ang Saligang Batas sa pamamagitan ng People’s Initiative kung saan babayaran umano ng P100 ang bawat botanteng pipirma. 

Ayon kay Lagman, ipinatawag umano ang mga alkalde ng Albay para sa isang pagpupulong nitong Biyernes, Enero 5 sa isang hotel sa Legazpi City kung saan namigay umano ng mobilization funds ang Ako Bicol Partylist (AKB) coordinators at mga papel na kailangan pirmahan ng hindi bababa sa tatlong porsyento ng mga rehistradong botante sa kanilang nasasakupan. Sinasabing 50 porsyento ng kabuuang halaga ng P100 bawat botante ang natanggap mula sa AKB coordinators. 

Dumalo rin daw sa nasabing pagpupulong si AKB Representative Raul Angelo Bongalon. 

Ayon kay Lagman, ang pagbili ng mga lagda para sa petisyon sa Ieople’s initiative ay isang palabag sa Sec. 261 ng Omnibus Election Code kaugnay ng Sec. 19 ng Initiative and Referendum Act o RA 6735. 

Ang nasabing kilusan ay tila nangyayari sa buong bansa dahil pinadalhan umano ng mga kinakailangang pirmahan ang mga kongresista na kabilang sa iba’t partidong pampulitika.

Samantala, sa inilabas na press statement ni dating AKB Congressman Alfredo Garbin, hindi umano sila namigay ng pera kapalit ng pirma sa nangyaring pagpupulong at nagbigay ito ng katwiran sa legal basis ng RA 6735. 

Inimbitahan umano si Bongalon at Garbin bilang mga resource speaker sa pagtitipon tungkol sa People’s Initiative bilang dating chairperson si Garbin ng House Committee on Constitutional Amendments. 

Grassroots level

Samantala, nagsimula na ang pangangalap ng pirma para sa petisyon sa probinsya ng Sorsogon. Ayon sa isang source na tumangging pangalanan, malabo at walang sapat na paliwanag sa kanila tungkol sa petisyon mula sa mga nagbigay ng mga forms. 

Ibinagay umano sa kanilang punong barangay ang mga forms na kailangang pirmahan ng aabot sa 300 na mga botante. Ngunit dahil marami umano ang naguguluhan at mayroong katanungan tungkol sa layunin ng petisyon, napagdesisyunan ng punong barangay na huwag nang mangalap ng pirma sa mga residente. 

Nakasaad sa nabanggit na pinaiikot na papel, na naiintindihan ng mga rehistradong botante na pipirma na ihahain ang petisyon sa Commission on Elections para sa panukalang amyendahin ang Article XVII, Section Section 1 (1) ng 1987 Constitution sa pamamagitan ng People’s Initiative. 

Nakasaad din rito na naiintindihan ng mga pumirma at ipinaliwanag ang panukala gamit ang kanilang diyalekto sa magiging epekto ng nabanggit na panukala at ito ay pagsang-ayon sa paghain ng petisyon. Ayon dito, pinahihintulutan ng mga pipirma ang isang nagngangalang Atty. Anthony A. Abad para maihain ang petisyon sa pamamagitan ng people’s initiative upang amyendahan ang nabanggit na probisyon. 

Ayon kay Lagman, ang inisyal na layunin ng charter change sa pamamagitan ng people’s initiative ay upang bumoto bilang isang kapulungan, imbes na hiwalay, ang senado at kamara upang madaig umano ang bilang ng senador sa bilang ng mga representatives. 

Mayroong tatlong paraan upang amyendahan ang Konstitusyon—People’s Initiative, Constitutional Convention at Constituent Assembly. Maaaring magpanukala ng amendment ang taong bayan sa ilalim ng proseso ng People’s Initiative kung nilagdaan ito ng hindi bababa sa 12 porsyento ng kabuuang bilang ng mga rehistradong botante habang hindi naman bababa sa 3 porsyento ang lalagda kada distrito. I Nicole Frilles

Share