Irosin, Sorsogon – Matapos ang masusing deliberasyon, dalawang pamilya ng Overseas Filipino Workers (OFW) mula sa rehiyong Bicol ang napiling maging kinatawan para sa national level ng 2023 Model OFW Family of the Year Award (MOFYA) nitong Nobyembre 11.
Idineklara ang pamilya ng seafarer ng 52-anyos na si Pelagio Santander ng Tabaco, Albay bilang MOFYA para sa sea-based category habang ang nagwagi naman para sa land-based category ay si Ramon De Belen, 59, mula sa Talisay, Camarines Norte.
Walong pamilya ng OFW sa Bicol ang pinarangalan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) upang kilalanin ang kanilang katatagan sa kabila ng hirap na mawalay sa kanilang mga mahal sa buhay.
Ayon kay OWWA Bicol Director Zenaida Ramos, nilalayon ng MOFYA na bigyang-diin ang pagsisikap ng mga OFWs na bigyan ng magandang buhay ang kanilang pamilya at upang maging inspirasyon ang kanilang istorya.
Ang mga pamilya ay pinili base sa kanilang tagumpay sa edukasyon at maayos na pamamahala ng pamilya sa kanilang pinansyal.
Kasama na rito ang pagiging aktibo at pagbibigay ng suporta ng pamilya sa komunidad.
𝐏𝐚𝐠𝐛𝐚𝐧𝐠𝐨𝐧 𝐦𝐮𝐥𝐚 𝐬𝐚 𝐤𝐚𝐡𝐢𝐫𝐚𝐩𝐚𝐧
Salat sa kahirapan ang buhay na kinagisnan ni Santander. Nagmula siya sa probinsya ng Iloilo kung saan malayo sa kabihasnan, walang kuryente at mahirap ang komunikasyon.
Sa edad na 16, nagkaroon ng interes si Santander na sumampa sa barko dahil na rin sa tulong ng kanyang tiyuhin.
Kung kaya’t kahit high school pa lamang, nagsimula siyang magtrabaho nang matapos ang kaniyang Basic Seaman course sa PMI Colleges sa loob lamang anim na buwan.
Mula sa pagiging isang trainee, na-promote si Santander bilang assistant chief cook sa Stolt Nielsen Company dahil na rin sa kaniyang dedikasyon.
“Kahirapan po talaga ang nagtulak sa akin na makarating ng Maynila…ang lagi kong motivation noon sa sarili ko na mas mahirap ang buhay sa bundok at mag-araro kaysa ‘yong magtrabaho sa barko,” saad ni Santander sa panayam ng BicoldotPH.
Ngunit sa kagustuhan na mabigyan ng magandang kinabukasan ang kaniyang asawa at tatlong anak, ininda ni Santander ang pangungulila nang mawalay sa kaniyang pamilya.
“Ang disadvantage po kasi sa malayo is you miss everything lahat ng okasyon…graduation, birthday (at) maraming activities po ang nawawala. [Talagang] adjustment lang po sa buhay talaga. It is (a) battle hindi lang ng sarili kundi ng pamilya mo nalang po,” dagdag pa ni Santander.
Naniniwala naman si Santander na ang kwento ng kahirapan, loyalty, resilience at disiplina ang mga naging rason kung bakit napili ang kanyang pamilya.
“Ang hinahangad ko lang kung ano ang para sa amin at sa lahat nawa ay magkaroon ng tinatatawag na impluwensiya [sa iba] (at) makapagbibigay ng kaunting pagbubukas ng kaisipan tungkol din sa aking buhay,” sabi ni Santander.
Sa loob ng 33 taong serbisyo sa barko, napagtapos ni Santander ang kaniyang mga anak habang ang kaniyang asawa naman ang nangangasiwa ng kanilang negosyo na naipundar.
Tumutulong din ang kanilang pamilya sa iba’t ibang organisasyon ng kanilang komunidad.
𝐊𝐚𝐡𝐚𝐥𝐚𝐠𝐚𝐡𝐚𝐧 𝐧𝐠 𝐩𝐚𝐦𝐢𝐥𝐲𝐚
Samantala, nanirahan nang sama-sama sa United Arab Emirates (UAE) ang pamilya ni De Belen sa tulong ng kanyang kompanya.
Taong 1999 nang nagsimula siyang magtrabaho bilang isang pump operator at kalaunan naging isang supervisor sa isang oil company sa nasabing bansa.
Dahil sa benepisyong natanggap, nagkaroon ng oportunidad ang kaniyang mga anak na makapag-aral sa UAE habang nagtrabaho naman bilang Special Education (SPED) teacher ang kaniyang asawa.
“Gusto ko kasing mabigyan ng [sagana at magandang buhay] itong pamilya ko. Gusto ko rin mabigyan ng magandang edukasyon,” saad ni De Belen.
Bilang responsableng ama, nagdesisyon si De Belen na kunin ang pamilya upang kapiling niya ang kaniyang mga anak sa paglaki at naiinggit umano siya sa mga kapwa Pilipino roon na kapiling ang kani-kanilang pamilya.
“Gusto ko magkaka-isip sila, nasa tabi ko sila. Gusto ko maging disiplinado sila, organisado, may takot sa diyos, may respeto…gusto ko open sa akin ang mga anak ko, may problema man o wala,” saad ni De Belen.
Gayunpaman, hindi naging madali ang naging karanasan ni De Belen dahil na rin sa diskriminasyon sa trabaho at pangungulila sa mga panahong nawalay siya sa kaniyang pamilya.
“Mahirap din kasi talagang trabaho do’n kumbaga, as a Filipino, grabe ang tiwala ng mga employer kapag sinabing Filipino ka kaya dapat hindi mo siraan yung image ng Filipino,” dagdag ni De Belen.
Labis naman ang tuwa ni De Belen nang manalo sa land-based category dahil na-appreciate ng mga tao ang kaniyang naging karanasan sa ibang bansa.
Ayon kay De Belen, pinayuhan siya ni Ramos na maghanda para sa kompetisyon na gaganapin sa Malacañang sa Enero sa susunod na taon at doon umano mismo ibibigay ang napanalunang premyo para sa regional level.
Taong 2019 bago ang pandemya, nakauwi sa Pilipinas ang pamilya ni De Belen at nakapagpundar na rin ng gasoline station gamit ang kanilang ipon.
“Gusto ko magpa-aral, makapa-graduate ako ng teacher o ano kasi gusto ko yung natanggap kong blessing, gusto kong i-share yung blessing…magaan sa loob yan eh,” saad ni De Belen.
Dahil na rin sa pagsisikap, napagtapos ng mag-asawa ang kanilang dalawang anak at kasalukuyan na ring mayroong magandang trabaho habang ang isang anak ay nag-aaral ng kursong Nursing.
Sa kasalukuyan, nagsisilbi bilang presidente si De Belen sa United OFW sa kanilang lugar kung saan nagsumite ang kanilang organisasyon ng isang business proposal sa OWWA para sa P1,000,000 na gagamitin upang makatulong sa mga nawalan ng trabaho.
Isa rin siya sa miyembro ng Board of Director (BOD) ng Aki Ning Talisay Society (ANTS) na naglalayong tumulong sa kanilang komunidad. | Nicole Frilles
Photo courtesy: PIA Bicol