2 BU graduates, lumikha ng sariling kasuotan para sa kanilang pagtatapos

Dalawang estudyante ng Bicol University (BU) ang lumikha ng sarili nilang kasuotan na kanilang isinuot sa araw ng kanilang pagtatapos sa nasabing institusyon. 

Isa sa mga nagtapos noong ika-10 ng Hulyo sa kursong Bachelor of Science in Social Work sa Bicol University – Tabaco bilang Cum Laude si Rica Beltran, 23, mula sa Tabaco City.

Ayon kay Beltran, nagplano siyang gumawa ng sariling ginantsilyong Filipiniana noong Mayo at kaniya itong sinimulan noong buwan lamang ng Hunyo para sa kaniyang graduation ceremony.

Dahil isang buwan na lamang bago ang nasabing okasyon, nangamba siyang hindi matapos ang kaniyang obra dahil halos 5 beses niyang inulit ito sa kadahilanang minsan ay nakakaligtaan niya ang pagbibilang ng mga stitches upang mabuo ang kaniyang disenyo at dahil dito kinailangan niyang magsimula sa umpisa nang makailang ulit.

Dagdag pa ni Beltran, 21-araw ang kaniyang ginugol bago makumpleto ang kaniyang obra.

Binabalak din umano ni Beltran na gumawa ulit ng kaniyang sariling gantsilyong kasuotan sa gaganaping panunumpa oras na makapasa siya sa board exam para sa gaganaping Professional Licensure Examination for Social Workers ngayong Setyembre.

Bukod kay Beltran, nagpamalas rin ng talento sa paglikha ng kaniyang sariling kasuotan si Brix “Lady Gutney” Halum, 22, mula sa Bulusan, Sorsogon at isang Cum Laude sa kursong Bachelor of Performing Arts sa BU noong ika-8 ng Hulyo. 

Dalawang buwan bago ang kaniyang graduation ay pinag-isipan na umano ni Halum kung ano ang kaniyang susuotin, at sa telang “twig” niya napiling makipagsalaran sapagkat unang pagkakataon niyang trabahuhin ang twig fabric.

Ayon kay Halum ang kaniyang kasuotan na pinangalanan niyang “The Lady” ay isang 5-piece outfit na kaniyang pinagtagpi sa pamamagitan lamang ng mano-manong pagtatahi sa loob ng 3 araw, na kung saan ito lang ang kaniyang pinagtuunan ng pansin ng ilang araw hanggang sa kaniyang pagtulog tuwing madaling araw.

Hindi umano inaasahan ni Halum ang atensyong natanggap ng kaniyang kasuotan, kung kaya’t nais niyang ipaalala na ang okasyong nabanggit ay para sa mga estudyanteng ipinagdiriwang ang kanilang tagumpay at hindi dapat matuon sa kasuotang isinusuot din ng kaniyang mga kapwa-estudyante upang komportable na i-presenta ang kanilang sarili.

“It wasn’t really meant to represent anything rather than [that, it is] me being comfortable and being an artist on the day I am supposed to celebrate my achievement,” aniya. | Allyza Morcozo

IMG 0960
IMG 0961
IMG 0962
IMG 0963
IMG 0964

Photo courtesy: Rica Beltran, Brix Halum

Share