Bicol Cooperative Congress 2023 Kickoff, isinagawa sa Naga City

NAGA CITY — Isinagawa sa Naga City sa unang pagkakataon ang kickoff ng Bicol Cooperative Congress 2023 nitong Miyerkules, Hulyo 19, sa Lotus Blu Cafe ng Lotus Blue Hotel sa Naga City.

Ang nasabing aktibidad ay inorganisa ng Naga City Cooperative Development Council (NCCDC). 

Ang Naga City ay ang kauna-unahang siyudad sa Bicol na mag-oorganisa ng Bicol Cooperative Congress na gaganapin mula Oktubre 20 hanggang 21 sa The Tent, Avenue Plaza Hotel, Magsaysay Ave., Naga City.

Ayon kay Ronald ‘Bong’ Rodriguez, NCCDC-Designated Co-Chair, isang karangalan para sa Naga City ang maging host ng naturang aktibidad sapagkat kamakailan lang ay kinilala ang siyudad ng Cooperative Development Authority (CDA) bilang “friendly city” sa mga kooperatiba. 

Dagdag pa niya, nabanggit aniya ni Naga City Mayor Nelson Legacion na magsisilbing daan ang BCC 2023 upang maiposisyon at makilala ang siyudad bilang potensyal na pagdarausan ng mga malalaking pagtitipon sa hinaharap.

“Ang sabi po ni Mayor Nelson, punan ta ngaya digdi sa Bicol COOP Congress na i-position ang Naga as a future venue for big conferences and events arog po kang Bicol COOP congress,” ani nito.

(Translation: Ang sabi po ni Mayor Nelson, simulan natin dito sa Bicol COOP Congress na i-position ang Naga as a future venue for big conferences and events katulad ng Bicol COOP congress.)

Samantala, inilunsad din sa kickoff ang website at online registration (https://www.nagacitycoops.org.) na ginawa at dinisenyo ng Haka Naga na siyang gagamitin ng mga kooperatiba upang mapadali ang kanilang pagrehistro sa naturang aktibidad.

Inaasahan ng NCCDC na higit 500 kooperatiba ang lalahok sa Bicol Cooperative Congress 2023. | Aubrey Barrameda

Share