NAGA CITY — “Giving every step a purpose,” ito ang tagline ng Pamitisan, isang social enterprise sa Naga City na gumagawa ng sapatos gamit ang mga retaso ng pinaglumaang maong na pantalon o denim pants.
Salitang bikol ang ‘Pamitisan’ na mula rin sa salitang bitis o paa.
Pagmamay-ari ito ni Keenan Ivory Lee Duliesco na nagtapos ng kursong BS Entrepreneurship major in Manufacturing Services and Technology sa Bicol State College of Applied Sciences and Technology (BISCAST).
Ayon kay Duliesco, nagsimula ang Pamitisan bilang proyekto lamang noong siya ay nasa kolehiyo pa at kalaunan ay kaniyang ipinagpatuloy.
Sa una ay nahirapan raw siya at ang kaniyang mga ka-grupo sa pagkalap ng mga materyales na gagamitin sa pagbuo ng sapatos pero na-solusyunan raw ito sa tulong ng internet at ng kanilang mga guro.
“Marami kaming problema sa pagkalap ng mga materyales at sa ideya kung paano gumawa ng sapatos. Ito din naman lahat ay na-solusyunan namin sa pamamagitan ng internet at paghingi ng mga abiso sa aming mga advisors o mentors,” saad nito.
Pinaglumaang pantalon ang pangunahing materyal na ginagamit ng Pamitisan sa paglikha ng kanilang mga produkto dahil na rin sa angking tibay nito.
Pinagsasama-sama ito hanggang sa makuha ang tamang kapal na kinakailangan upang makagawa ng isang sapatos.
Dalawa ang pangunahing adhikain ng Pamitisan: (1) makatulong sa pagligtas ng kalikasan sa pamamagitan ng pagresiklo ng mga tela; at (2) makapagbigay ng tulong sa mga nangangailangan dahil sa bawat sapatos na kanilang naibebenta ay may porsyento silang ibibigay sa kanilang mapipiling benepisyaryo; sa ngayon, apat na ang kanilang natulungan.
Matatagpuan ang Pamitisan sa Bicol State College of Applied Sciences and Technology, Peñafrancia Avenue, Naga City.
Maaaring bisitahin ang kanilang Facebook page na Pamitisan para makita ang ibat ibang disenyo ng kanilang mga sapatos.| Aubrey Barrameda
Photos: Pamitisan