Vinyl records store sa Iriga City, “one of the biggest sa bansa, if not the biggest”

IRIGA CITY — Dinarayo lalo na ng mga music enthusiasts ang Josh Island Records sa Sto. Domingo, Iriga City na pag-aari ng mag-asawang Jose Leonardo “Leo” Tabag at Celeste Tabag.

“Yung mga collectors din dito bumibili, like yung Soundgarden, binayaran agad. May The Smiths… Beatles, Queen…”, pahayag ni Celeste na siyang nagpapatakbo ng kanilang physical store habang nagtatrabaho ang asawa bilang mekaniko sa ibang bansa at patuloy sa pangongolekta.

Ayon sa 57 anyos na si Leo, umaabot ng 30,000 ang kanilang collection ng CDs at nasa 8,000+ naman ang vinyl records.

Mahigit dalawampung taon na raw siynag nangongolekta ng vinyl records, CDs at cassette tapes na 100% ay galing pang Australia. Taong 2019 nang mapagdesisyunan nilang ibenta ang mga ito.

“Hobby ko lang talaga yan, dati kinokolekta ko lang yan, tinatambak namin sa bahay, and then nung madami na naisipan namin na ibenta na para ma-enjoy naman ng ibang tao yung hobby ko, pinangarap ko rin kasi yan nung bata pa ako,” saad nito.

Pinakamabenta umano ang metal o punk sa CDs habang jazz naman sa vinyls, ngunit ang pinakatampok talaga sa mga mamimiling Pinoy ay ballads. 

Ang presyo ng mga ito ay umaabot sa 100-1500 pesos, pero dumedepende pa rin ito sa kategorya, artist, kondisyon at rarity nito.

“Ang target [age] range [namin] yung mga earning age na, 30s, 40s, ganun. Kasi noon, yung CDs and vinyls ay para lang talaga sa mga matatanda. Until later on, nag-umpisa nang magbilihan yung mga kabataan so nag-iiba na, nagshishift na yung focus namin sa age group. So na-aaccommodate na rin namin yung mga kabataan,” dagdag pa ni Leo. 

Bukod dito ay nagbebenta rin sila ng high-end speakers at crockeries na kasama rin sa mga collectible ni Leo.

“Kasi di ba karamihan mga lalake ang mahilig sa music, tas sa babae naman o yung asawa nilang babae, pwede ito [crockeries], para busy yung husband, busy din yung wife niya,” paliwanag ni Celeste na hanggang ngayon ay todo suporta pa rin sa hobby ng asawa.

Ayon pa kay Leo, malaki ang naging gampanin ng internet at social media sa pagpapatayo at pagpapalago ng kanilang store.

“Bale may FB account sila tas pinopost nila yung mga CDs, yung mga plaka, dun ko rin nahanap yung binili ko. […] Sulit na sulit kaso lang kailangan talaga ng maraming oras, saka pera kasi medyo pricey rin eh pero sulit [na] sulit,” pahayag ni John Carl Murillo, tubong Albay at miyembro ng local band na The Upbeats Ska, na lumuwas pa papuntang Iriga City upang bumili ng vinyls sa nasabing store.

Ang Josh Island Records ay pinangalan kay Josh, ang bunso sa tatlong anak nina Leo at Celeste, na mayroong special needs.

“Autistic siya, parang may sariling island siya. May sarili siyang mundo kaya nilagyan ko ng ‘island’ [ang pangalan ng store],” pagpapaliwanag ni Leo.

Paalala pa nito sa mga gustong magtayo rin ng kanilang sariling negosyo, “Putting up a business is a labor of love. Kumbaga kung magpu-put up ka ng isang business dapat eksperto ka dito, dapat alam mo yung pasikot-sikot nyan, kung paano ka mag acquire at maglagay ng pricing, ano yung target market mo… para maging successful ka. Kasi hindi ka puwedeng magtayo ng business na wala kang kaalam-alam. Dapat yung passion mo talaga nandyan, [dapat] meron kang pagmamahal sa itatayo mong business.”

Nagbubukas ang naturang music records store araw-araw, mula alas sais ng umaga hanggang gabi kung saan mas marami ang mga dumadagsa para sulitin ang kanilang day off. | Christine Angeli Naparato

IMG 2707
IMG 2703
IMG 2713
IMG 2712
IMG 2704
IMG 2718

Photos: Josh Island Records, Christine Angeli Naparato

Share