Daraga, Albay — Patok ngayon sa masa ang kubo-themed at hugot cafe na mas kilala bilang Kape Winika na nagbukas nitong Hunyo 30, sa Purok 6, Taysan, Legazpi City.
Ito ay pagmamay-ari ng estudyante na si Jireh Datang mula sa Bicol Univeristy College of Business, Economics, and Management (BUCBEM).
Ang pagkahilig ni Datang sa pagsulat ng mga tula noong high school ang siyang nagtulak sa kanya upang maging Kape Winika ang pangalan ng kanyang negosyo na ang ibig sabihin sa ingles ay “to say something.”
Maliban sa tula, nahilig rin si Datang sa kape noong nasa senior high school dahil sa laging pagpupuyat para mag-aral.
Sa bawat kape na binibili ng kanyang mga suki ay may nakasulat na isang hugot, motivational thoughts, quotes, o tula.
Ayon pa kay Datang, gusto niyang magkaroon ng negosyo na kombinasyon ng kanyang hilig sa kape at tula kung kaya’t sa kasagsagan ng pandemya ay nagsimula siyang gumawa ng kape sa Sawangan Park, Legazpi City kahit na nakapwesto lamang siya gamit ang mga kaunti niyang kagamitan.
Una siyang nakilala bilang Kape Makata pero pinalitan niya ito dahil may kapareho siyang pangalan sa ibang lugar.
Nang maging matagumpay ang maliit na kapehan ni Datang ay nag-invest siya sa maliit na cart hanggang sa nagkaroon ng sariling kubo cafe.
“No’ng time na nag iisip ako ng magiging set up ng shop then nag sink in lang sa akin na what if kubo cafe nga yung theme ko since aside sa attractive siya ay unique din siya compared sa ibang shops,” saad nito.
Ang bahay kubo ng pamilya Datang ang siyang naging isa sa mga dahilan kung bakit kubo rin ang naging tema ng negosyo na siyang nagpaparamdam sa mga suki ng “feel-at-home” na ambiance. | Stephanie De Leon