Ang mga pilat sa kanyang braso at likod ang nagpapa-alala sa 56 anyos na magsasakang si Arnulfo Arias ng Matanag, Legazpi City kung gaano kabagsik ang bulkan Mayon.
Isa siya sa mga magsasaka na nabiktima ng Pyroclastic Density Current o Uson nang biglang sumabog ang bulkan noong Pebrero 1993. Mahigit pitumpong mga kasamahan niyang magsasaka ang hindi pinalad.
“Yung uson minuto lang talagang aabutan ka kahit anong bilis ng takbo mo talagang aabutan ka, yun lang parang narinig lang namin na may parang umuulan yun pala yun na ang ano ng Mayon”, kuwento ni Arnulfo.
Sa tuwing naga-alburoto ang bulkan gaya ngayon, may takot pa rin siyang nararamdaman. Siya na rin ang nagpapa-alala sa mga kapwa magsasaka na iwasan muna ang danger zone,
“Ang sabi ko ingat lang huwag masyado magtiwala dahil hindi natin alam ang ugali ng Mayon, kung aakyat kayo may kukunin balik agad dahil hindi natin alam ang galaw mg Mayon, lalo na ngayon may apoy, nagbubuga”, sabi pa ni Arnulfo.
Pero ang ilang mga magsasaka ay hindi pa rin maiwan ang mga taniman na nasa danger zone lalo’t anihan na. Binabantayan nila ang mga repolyo na malapit nang anihin sa loob ng danger zone sa Buang, Tabaco City.
Wala pa ring pagbabago sa kilos ng Mayon ayon sa Philippine Institute of Volcanologyu and Seismology (PHIVOLCS) mula nang magkaroon ng lava flow noong June 11.
Ang nakakapanibago lang ayon sa PHIVOLCS ay ang mababang asupre na ibinubuga nito.
“Pagdating sa mga monitoring parameters ito ang pinaka-unang pagputok ng bulkan na naitala natin na walang outstanding parameters kasama ang sulfur dioxide wala pang pagbabago masyado sa binubuga nitong sulfur dioxide”, ani Mariton Bornas, Chief of Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division ng PHIVOLCS.
Posible raw na degassed o wala ng volcanic gas sa magma kaya mababa ang naitatalang sulfur dioxide emission, na siya ring dahilan kung bakit effusive o napakahina ng pagputok nito. Dahil rito, posibleng abutin pa ng ilang linggo bago humupa o kaya magkaroon ng malakas na pagsabog ang bulkan.