Tubig, pangunahing problema ng mga evacuee sa Daraga

Daraga, Albay — Kakulangan sa malinis na tubig ang hinaing ngayon ng mga evacuee na lumikas sa Anislag Elementary School dahil sa banta ng pagputok ng Bulkang Mayon. 

Isa sa mga lumikas si Melany Mantes, 50 taong gulang, residente ng Brgy. Mi-isi, Daraga, Albay. 

Ayon kay Mantes, hirap ang mga evacuee gaya niya na makahanap ng sapat na supply ng tubig na ginagamit nila pangluto at panlaba, ang tanging pinagkukunan nila ng tubig ngayon ay ang balon at poso na matatagpuan sa loob mismo ng evacuation center. 

“Kulang na kulang po talaga ‘yung sa inumin. So, nagkukulang po sa sila sa araw-araw,” saad pa nito. 

Dagdag pa nito, mula nang lumikas sila noong June 9 ay nagsisiksikan na sila loob ng isang silid-aralan kasama ang humigit-kumulang 42 na residente. 

𝗗𝗲𝘀𝗮𝗹𝗶𝗻𝗮𝘁𝗶𝗼𝗻 𝗦𝘆𝘀𝘁𝗲𝗺 𝗻𝗴 𝗕𝗥𝗣 𝗔𝗻𝗱𝗿𝗲𝘀 𝗕𝗼𝗻𝗶𝗳𝗮𝗰𝗶𝗼, 𝗣𝗵𝗶𝗹𝗶𝗽𝗽𝗶𝗻𝗲 𝗡𝗮𝘃𝘆 — 𝘀𝗲𝗮𝘄𝗮𝘁𝗲𝗿 𝘁𝗼 𝗽𝗼𝘁𝗮𝗯𝗹𝗲 𝘄𝗮𝘁𝗲𝗿

Samantala, dumaong sa Legazpi City Port nitong Linggo ng gabi, June 18, ang Barko ng Republika ng Pilipinas (BRP) Andres Bonifacio ng Philippine Navy upang umagapay sa mga komunidad na sakop ng kasalukuyang paglikas dahil sa banta ng Bulkang Mayon. 

Nilalayon ng BRP Andres Bonifacio na makapagbigay ng supply ng malinis na tubig sa mga apektadong lugar mula mismo sa kanilang Desalination System sa pamamagitan ng Reverse Osmosis na nagcoconvert ng seawater sa freshwater. 

Sa isang panayam ng Bicoldotph kay LTJG. Bismark Arius, acting engineering officer ng Philippine Navy, ang proseso ay nagsisimula sa pagkuha nila ng seawater at pagdaan nito sa strainer upang mas ma-filter ang mga solidong bagay na hindi pwedeng makapasok sa mga pipes na gagamitin para sa filtration. 

“[Pagkatapos nito], didiretso naman tayo sa tinatawag na multimedia filter, kung saan ang purpose non ay i-filter ang mga suspended solids, like sands, algaes, mga little microorganism,” dagdag pa nito. 

Pakatapos nito ay dadaan pa ito sa cartridge filter at micro filter bago makarating sa mismong sistemang reverse osmosis membrane. 

“Kailangan kasi kapag dadaan sa reverse osmosis membrane ay na-filter na siya at wala ng sediments. Pure water na siya, may kaunting refinement na lang,” saad ni LTJG Arius. JG Arius. 

Sinigurado naman ng hukbo na ligtas at pasok sa standards ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH) ang kanilang potable water at maaari na rin umano itong i-distribute sa mga evacuee na apektado ng Bulkang Mayon. 

“Malaking bagay [ito] para sa mga kababayan natin dito sa Albay, kung saan itong freshwater na ito ay makakatulong sa kanila for their drinking purpose. Safe water naman po ito, at least pwede rin naman po nila magamit ito sa pang araw-araw na pangangailangan na kailangan ng tubig.”

𝗙𝗶𝗹𝘁𝗲𝗿 𝗦𝘆𝘀𝘁𝗲𝗺 𝗻𝗴 𝗠𝗠𝗗𝗔, 𝗳𝗿𝗲𝘀𝗵𝘄𝗮𝘁𝗲𝗿 𝘁𝗼 𝗽𝗼𝘁𝗮𝗯𝗹𝗲 𝘄𝗮𝘁𝗲𝗿

Hatid naman ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang 60 units ng water filtration system sa mga evacuees ng Sto. Domingo, Albay na nagcoconvert naman ng freshwater sa potable water. 

Ayon kay Kim Carlo Cortez, special operations officer III ng MMDA Public Safety Division, mayroong tatlong pinagdadaanang proseso — una na rito ang pag-filtrate ng mga solid particles gaya ng putik at kalawang, sunod ang charcoal filter na nagsasala naman ng mga kemikal, at panghuli ay ang ultraviolet light na pumapatay ng mga mikrobyo na nasa tubig. 

“Dito po sa iba’t ibang evacuation site sa Sto. Domingo, tayo ay nakapagserbisyo na po,” dagdag pa nito. 

𝗦𝗼𝗹𝘂𝘀𝘆𝗼𝗻 𝗽𝗮𝗿𝗮 𝘀𝗮 𝗸𝗮𝗸𝘂𝗹𝗮𝗻𝗴𝗮𝗻 𝗻𝗴 𝗺𝗮𝗹𝗶𝗻𝗶𝘀 𝗻𝗮 𝘁𝘂𝗯𝗶𝗴

Bilang tulong sa mga evacuees na nanunuluyan ngayon sa iba’t ibang evacuation centers sa Albay, partikular na sa Sto. Domingo at Daraga ay mamamahagi ang mga nasabing ahensya ng supply ng malinis na tubig.

Ang mga nabanggit na filtration systems na hatid ng Philippine Navy at MMDA sa mga Albayano ay para sa mga residente na inilikas mula sa paanan ng Bulkan Mayon na nasa loob ng 6 kilometer radius permanent danger zone. | Danica Roselyn Lim

IMG 0013
IMG 0014
Share