Tinatayang nasa 5,000 square meter ang apektado ng nasabing sunog sa bahagi ng damuhan sa Barangay Rawis, San Miguel Island, Tabaco City bandang alas dos kahapon, Linggo, Abril 9.
Ayon sa imbestigasyon ng mga awtoridad, tatlong kabataan na edad 19, 18 at 16 na nasa kustudiya na ng kapulisan at pawang mga residente ng nasabing lugar ang responsable sa nangyaring sunog.
“Andoon sila sa Rawis kasi po naliligo sa dagat tapos nag-iinuman [at] nag-iihaw sila ng isda. Ngayon siguro dahil nag-iinuman, mga lasing na. ‘Yong inihaw, iniwan nila. Eh [open area doon kaya] malakas ang hangin,” ani FO2 Rizaldo Agitan ng Tabaco Bureau of Fire Protection (BFP) sa panayam ng Bicol.PH.
Nakita na lamang umano nila na kumalat na sa damuhan ang apoy kung kaya’t hindi agad ito naapula.
Ayon kay Agitan, nasa 50 porsyento lamang ng 5,000 sqm ang talagang apektado ng sunog.
” ‘Yong 5,000 sqm na ‘yan, hindi pa ‘yan totally affected. Alam niyo po ‘yong talon-talon na nasunog na damo. Hindi siya totally na naubos kasi may mga halaman pa na hindi naapektuhan,” saad ni Agitan.
Sa imbestigasyon ni Agitan sa pamamagitan ng panayam sa mga awtoridad sa lugar, hindi naman umano nakita na sinadya ang sunog.
“Kusa nalang sigurong huminto [ang sunog] kasi hindi ko makita na maapula ng mga tao ‘yon doon [at] bandang alas-sais na natapos,” sabi ni Agitan.
Samantala, wala namang naapektuhan na mga istraktura. I Nicole Frilles
Photos: Tabaco BFP