Ipinagdiwang ng Cambulaga Elementary School sa Sorsogon City ang pagtatapos ng Women’s Month sa pamamagitan ng pagbigay ng parangal sa mga babaeng nagbigay inspirasyon at nagbigay ng malaking kontribusyon sa nasabing institusyon kahapon, Marso 31.
Ayon kay Rowan L. Celestra, punong guro ng nasabing eskwelahan, ang selebrasyon ng Women’s Month ay mahalaga dahil ito ang okasyon para purihin at bigyang pagkilala ang papel na ginagampanan ng mga kababaihan lalong-lalo na ang mga nanay sa komunidad ng Cambulaga.
“Yung mga nanay natin – there is a women empowerment dito…they are really helping the education (sector) in the recovery progress. So binigyan (namin sila) ng recognitions,” pahayag ni Celestra.
Pinarangalan din ang mga babaeng nagbigay motibasyon sa mga kapwa babae at nagbigay ng malaking ambag sa paaralan sa naturang selebrasyon.
“Binigyan namin ng (award na) Outstanding Woman of the Year…and other women na tumutulong sa school at part (yon) ng appreciation of their efforts para sa school (namin),” saad ni Celestra.
Samantala, nagbigay naman ng lecture ang Unit Help Desk Officer ng Sorsogon City District Jail na si JO1 Grace Redrico tungkol sa kahalagahan ng psychosocial development and gender sensitivity concept and framework sa mga guro ng paaralan.
“Itong psychosocial awareness and gender sensitivity (concept and framework) na na-impart… ang laking benefits nito kasi ito din ang makakatulong sa kanila (mga guro) kung papano nila maiintindihan at maha-handle ang mga elementary students. At the same time, as a teacher, (may benepisyo din ito) kung papano nila ima-manage yung mga sarili nila (in terms of) relationship management, social management, self awareness, and self management,” paliwanag ni Redrico.
Kinuha rin ni Redrico ang oportunidad pagkatapos ng kanyang lecture ang pagpapakilala sa mga guro at mga kalahok sa nasabing aktibidad ang mga produktong gawa ng mga persons deprived of liberty (PDLs) para isulong ang livelihood program ng kanilang himpilan para sa mga PDLs.
Sa kabilang banda, nagkaroon din ng lecture tungkol sa mga paraan para mas lalong mapabuti at maayos ang pagtuturo ng mga guro sa mga mag-aaral dahil ginanap din sa nasabing araw ng selebrasyon ng Women’s Month ang Learning Action Cells (LACs) session ng Cambulaga Elementary School.
Higit na 20 guro ang dumalo sa nasabing lectures at higit 200 na mga kalahok naman dumalo para sa selebrasyon ng Women’s Month. | Arvie Bediones
Photos: Sorsogon City District Jail