LEGAZPI CITY – Nagsagawa ng community service sa Salvacion Elementary School sa bayan ng Sto. Domingo, Albay, ang mga tauhan ng Sorsogon City District Jail, Miyerkules, Marso 22.
“Nagsagawa (kami) ng book reading sa mga elementary pupils natin tapos seminar about anger management. Tapos pagkahapon, in relation sa Women’s Month celebration, nagsagawa din [kaming] seminar tungkol sa gender sensitivity concept (para) sa parents at teachers,” saad ni JO1 John Derick Apuli.
Ayon kay Apuli, layunin nilang maipakilala na ang mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ay hindi lamang nag-aalay ng serbisyo sa loob ng mga jail facilities kundi parte na rin ng kanilang trabaho ang pagtulong sa iba’t ibang sektor ng lipunan gaya sa mga paaralan at home for aged institutions.
Hinahangad din ni Apuli na sa pagtulong nila sa mga iba’t ibang institusyon ay makahikayat din sila ng mga taong gustong maging jail officers at mabago ang pagtingin ng mga sibilyan sa kanilang himpilan at sa mga persons deprived of liberty (PDLs).
“(Para mabago yung tingin ng tao sa mga jail facilities at) pati rin po yung mga PDLs na baguhin din po yung mindset nila na pag-preso, masama ka na. HIndi naman po gan’on,” dagdag niya.
Samantala, bilang parte ng selebrasyon ng Women’s Month ng nasabing paaralan, nagpasalamat naman si JO1 Grace Redrico sa pamunuan ng Salvacion Elementary School dahil maraming tao raw ang naliwanagan sa konsepto ng gender sensitivity.
“Marami(ng) tao ang naliwanagan and it’s our job to change the lives and concept of the people for us to build a safer nation,” pahayag ni Redrico.
Higit 200 mag-aaral ang lumahok sa book reading activity samantalang 12 guro at nasa 70 magulang naman ang nakibahagi para sa gender sensitivity seminar. | Arvie Bediones
Photos: Sorsogon City District Jail