LEGAZPI CITY- Kaugnay ng pagdiriwang ng Rabies Awareness Month at Barangay Responsible Owners of Dogs Program (BROD), isang murang pagka-kapon, konsultasyon, at libreng anti-rabies vaccine para sa mga aso at pusa ang inihanda ng City Veterinarian office ng Legazpi nitong Huwebes, Marso 16, sa Gogon Central, Covered Court, Legazpi City.
Ayon kay Dr. Emmanuel Estipona, City Veterinarian, layunin ng aktibidad na mapababa ang bilang ng mga aso at pusa sa kalsada na biktima ng maling pag-aalaga sa mga ito.
“Unang-una, mababawasan po ang stray dogs, kasi yung owner can now control—can now regulate itong mga dogs nila.”, ani ni Estipona
“Pangalawa, pati ‘yung rabies occurrence infection ay mababawasan din. And alam niyo naman po pag masyadong marami ang dogs nagiging irresponsible na yung owners, kasi they cannot maintain ‘yung pagkain ng kanilang mga alaga. So this will also have us, in our advocacy na yung responsible pet ownerships,” saad ni Estipona sa isang panayam nito sa Bicol.ph.
Sa panayam naman ng Bicol.Ph kay Janice Balcueva, isa sa mga pet owner na sumali sa programa, nais niya mapa-kapon ang kanyang alagang pusa na si “Bato” para umano malimitahan ang pagdami ng kaniyang mga alaga.
“Nakakatulong siya to lessen [population] kasi kapag duma-dami ‘di natin nako-kontrol. It’s either magka-rabies, makakahawa na—and then, dapat talaga kinkontrol natin sila kasi ang pusa, every 3 months in heat and then after 3 months buntis nanaman.”, ani ni Balcueva
Ang nasabing aktibidad ay naging bukas para sa lahat ng mga mamamayan ng Albay. Parte ng paghahanda ay nagkaroon muna ng online registration period ilang araw bago ang pagsasagawa ng naturang programa.
Umabot naman sa mahigit dalawang-daan (200) na aso at pusa ang nabigyan ng libreng pagbabakuna at murang pagka-kapon.
Nagkakahalagang 1,000 hanggang 2,500 pesos ang bayad sa pagpa-kapon sa mga alagang aso’t pusa.
Samantala, nagpakita naman ng pagsuporta ang alkalde ng Legazpi na si Mayor Geraldine Rosal at nagpaabot ito ng maikling mensahe.
“Rest assured that the local government through our City Veterinarian Office, yaon lang po sa pagtabang asin pagko-operar po sa mga satuyang programa,” ani Rosal. | via Mayet Marcayda & Jemimah So