Pinangunahan ng mga babaeng firefighters ng Bureau of Fire Protection (BFP) Catanduanes Provincial Office at Virac Fire Station ang kanilang fire and earthquake drill nitong Huwebes, Marso 16.
Ang nasabing inisyatibo ay nagmula sa Provincial Government of Catanduanes bilang pagdiriwang ng National Women’s Month.
Ito ay binuo ng walong katao mula sa Lady Firefighters Team at walo rin mula sa Search and Rescue Team.
“Kung sa mahirap, talagang mahirap ho maging lady firefighter we really need na maging malakas at matatag kami sa kadahilanan na we are dealing on saving lives and properties,” ani FO2 Vanessa Lyka Aguilar sa isang panayam sa Bicol.PH.
Payo nito, dapat ay malakas ang loob ng mga naglalayong makapasok sa BFP dahil nakasalalay sa kanila ang kaligtasan ng mga tao at kanilang ari-arian sa oras ng sunog o iba pang emergencies.
Sa kabila nito, ibinida naman ni FO2 Judyth Jimenez na advantage umano kung maituturing ang pagiging isang babaeng firefighter.
“Girls are versatile, maituturing ko itong isang advantage sa pagiging babaeng firefighter dahil kung sa performance of duty kung ano ang ginagawa ng mga lalaki ay kaya din naming mga babae,” ani Jimenez.
Layunin din ng nasabing aktibidad na masiguro ang kaligtasan ng mga mamamayan at maipakita ang kapabilidad ng mga response teams ng naturang probinsya. | Danica Roselyn Lim
Photos: BFP Catanduanes