Bikolanong dating guro, top 6 sa Vet Med board exam

LEGAZPI CITY – Hindi matatawaran ang galak na nararamdaman ng tubong San Vicente, Camarines Norte at first-taker na si Deksther Roben Del Pilar matapos mag-top 6 sa inilabas na resulta ng Professional Commission on Regulation (PRC) noong Martes, Marso 7, para sa March 2023 Veterinarian Board Exam. 

Ang 30-anyos na si Del Pilar ay panganay sa dalawang magkapatid. Ang kanyang ina ay isang grade school teacher habang ang kanyang ama naman ay isang magsasaka. 

Payak ang kanilang pamumuhay at sa murang edad ni Del Pilar, napukaw na ang kanyang pagkahumaling sa pag-aalaga ng mga hayop bilang lumaki siya sa turo ng kanyang ama at ang pamilya nila ay may sariling babuyan. 

“Sa murang edad po, na-broaden na po ang perspective sa pag-aalaga ng mga hayop…natuto na ako [sa aking tatay] na mag-alaga, magpaanak ng mga baboy. Until pagtanda ko po talagang kumapit siya na ‘yun talaga ang passion ko for animals,” saad ni Del Pilar sa panayam ng Bicol.PH. 

Si Del Pilar ay nakapagtapos ng kursong Bachelor in Elementary Education sa Bicol University College of Education taong 2012 at tatlong taon na nagsilbi bilang public school teacher sa Parañaque Elementary School Central – Parañaque City. 

Sa pangalawang pagkakataon, siya ay sumubok na mag-aral muli sa Central Bicol State University of Agriculture – Pili upang tuparin ang kanyang pangarap na maging isang ganap na veterinarian. 

Estudyante pa lamang si Del Pilar, aktibo na siya sa mga akademikong paligsahan kung saan nanalo siya maging sa mga national competitions. 

Dahil sa kanyang dedikasyon at pagpupursige sa pag-aaral, nagawaran din si Del Pilar ng special commendation kung saan nag-aral siya ng isang semestre sa Vives University of Applied Science sa Belgium para sa involvement in internalization, global sustainability and engagement program. 

“Palagi [akong sumasali sa quiz] noong estudyante pa lang po ako…when I was in college po, nanalo po akong three times sa national competition,” ani Del Pilar. 

Dagdag pa ni Del Pilar, huli na nang malaman niya ang balitang kabilang siya sa top ten sa nasabing board exam dahil nawalan umano ng kuryente sa Sagada, kung saan siya naroroon nang lumabas ang resulta.

“Gabi ko na po nalaman na nag-top po ako kasi bumalik na po ang kuryente tapos nag-f-flood na po ang mga messages, mga comments sa social media and I was really happy kasi the exam was really hard,” saad ni Del Pilar.

PAGSUBOK TUNGO SA TAGUMPAY

Gayunpaman, hindi naging madali ang pinagdaanan ni Del Pilar bago niya nakamtan ang rurok ng tagumpay.

Lingid sa kaalaman ng nakararami, si Del Pilar ay nahawaan ng covid-19 sa gitna ng kanyang preparasyon sa nalalapit na board exam noong nakaraang taon. 

“Hindi siya yung tipong covid na lalagnatin ka but I was hospitalized…supposedly po mag-e-exam na ako [noong September] pero po na-covid19 ako [in the middle of my review]. Then I decided not to take the exam muna. Nawala kasi ang momentum ko ng pag-aaral… sabi ko, I will try again next year which this year po,” ani Del Pilar.

Inamin ni Del Pilar na naging pabaya siya sa pag-aalaga ng kanyang sarili kung kaya’t hindi umano niya namalayan na malala na ang kondisyon ng kanyang kalusugan. 

“Tapos yun after no’n, I realized after na dapat i-priority ko ang health ko [at ngayon naka-exam naman ako] and I learned my mistake,” dagdag pa niya. 

‘DO YOUR BEST’ 

Samantala, lubos ang pasasalamat ni Del Pilar sa kanyang pamilya dahil sa suportang ibinigay ng mga ito sa kaniya sa landas na gusto niyang tahakin. 

“They are very supportive to me na kahit sabihin na graduate na ako, hindi nila ako pinag-work talaga [at kahit na ganon] I made sure talaga na magkaroon ako ng lisensya before ako mag-work,” ani Del Pilar. 

Naging motibasyon din niya ang mga dakilang kababaihan katulad ni dating bise-presidente Leni Robredo, Kara David at Taylor Swift na siyang nagbibigay inspirasyon sa kanya upang magpatuloy pa. 

Samantala, ang mensahe naman ni Del Pilar para sa katulad niya ang minsan na ring nangarap maging isang veterinarian ay pag-igihan na ang pag-aaral kahit nasa loob pa lamang ng apat na sulok ng silid-aralan. 

“Hindi sila maging bare minimum na estudyante sa college. Kasi kapag sinabi natin na you will (only) do your best sa review pa lang (but) after graduation, you will not perform well kaya ang foundation mo sa veterinary medicine na dapat starting pa lang, yung nasa lower year ka [you have to do your best],” ani Del Pilar. via | Nicole Frilles

Share