LEGAZPI CITY- Patuloy ang pamamasada ng mga jeepney drivers ng biyaheng Nabua-San Juan at Nabua-Bato sa Camarines Sur sa kabila ng inilunsad na malawakang transport strike mula Marso 6 hanggang Marso 10.
Sa isang panayam sa Bicol.PH, sinabi ni Danilo Sanin, Presidente ng Bato, Oas, at Polangui Cooperative na hindi sila makikisa sa transport strike dahil wala umanong dumating na abiso mula sa ibang grupo.
Pero kahit raw may abiso ay hindi pa rin sila sasali sa panawagang tigil-pasada.
“Kaya di kami sumali [strike] ay sa kadahilanang dito lang kami nakakakuha ng pagkain araw araw kung di kami papasada wala kakainin ang pamilya namin, walang babaunin ang mga anak namin na nag aaral” saad ni Sanin.
Sa edad na 59 anyos ay sa pagpapasada umiikot ang buhay ni Sanin para mairaos ang gastusin sa bawat araw.
“Hindi kami payag na ma phase out ang jeep dahil dito sa jeep na ito nabuhay namin ang pamilya namin, nakabili ako ng jeep para sa karagdagang income sa pagpapasada at nakapag paaral ako hanggang college sa aking mga anak, at ang pinakarason ay wala kaming pambili ng bago na jeep na gusto nila na modern jeep”, ayon pa kay Sanin.
Hindi rin sang-ayon sa phase out ang isa pang kasamahan ni Sanin na tumanggi nang magpakilala. Pasanin raw ang paghuhulog nito sa kooperatiba.
“Ayaw namin phase out-in dahil mahihirapan kami, mahirap ang buhay ngayon tapos pipephase out-in yung mga sasakyan na yan. Grabe pa proseso nyan, grabe pa ang ibibigay na bagong kuwa [jeep] pig-ulugan [hulugan] mo pa. Pagkatapos ang garahe hulugan mo pa, ang garahe nasa kanila”, saad ng tsuper. I Jemimah So
Photos: John Oliver Cinto