Obra Masbateño, dinarayo; sunod-sunod ang skedyul hanggang Pebrero 25

MASBATE CITY – Sa pagsimula ng Obra Masbateño: Arts Festival 2023 nito lamang Pebrero 17, patuloy na dinarayo at sinasadya ng mga turista at lokal nitong mga residente ang Masbate City para sa mga skedyul nito na naka-line up hanggang Pebrero 25. 

“Nakita niyo naman kung gaano karami ‘yung tao at hindi lang lokal na Masbateño ang pumunta rito, pangatlong taon na namin ito pero simula’t simula nung 17 na pag-open natin nito, kahit mga ibang nationality, may mga nakita po tayo,” saad ni Gerardo Presado, officer-in-charge ng Provincial Tourism Office ng Masbate sa isang panayam sa Bicol.PH.

Ayon rin kay Presado, pinagtuunan nila ng pansin ang iba’t ibang sektor ng sining at inimbitahan nila ang mga bawat local artists upang maipamalas ang talento nila sa mga larangang kinabibilangan nila. 

“Lahat halos ng sektor ng arts ay iniimbitahan natin, magsimula sa visual arts, sa music, sa theater, sa literary, sa dance, at kung ano ano pa, basta pasok siya sa arts, iniinvite natin para maipalabas natin ‘yung mga talento ng bawat Masbateño,” ani Presado. 

Nauna nang ganapin ang mga aktibidad na patungkol sa photography, videography, visual arts, literary arts, tattoo arts, at makeup exhibition noong Pebrero 18 hanggang 20. 

Sa Pebrero 22 naman nakatakda ang Huling El Bimbo na theater arts play na gaganapin sa Social Center, Masbate City. 

Sa Pebrero 23 naman ang dance workshop at exhibition; Pebrero 24 ang TILAW: Flavors of Masbate at burger eating contest.

Samantala, pormal na matatapos ang pagdiriwang sa ika-25 ng Pebrero kung saan magkakaroon ng closing at awarding ceremony upang parangalan ang mga lokal na artistang nagtanghal sa mga araw ng nasabing selebrasyon.

“Noon pa man ang message namin palagi sa kanila, padayon mga artista san Masbate. Ibig sabihin, patuloy lang po, mga artist ng Masbate,” mensahe ni Presado.

Ayon naman kay Odric Cabana, estudyante at residente ng Masbate, inaasahan niya na sa ganitong paraan mas makikilala pa ang mga lokal na artista ng probinsya, hindi lamang sa lokal, kundi pati na rin sa buong Pilipinas.

“We expect po as Masbateños na mas makikilala po tayo in other places at mas magiging diverse at mapapalawak pa ang ating kultura and for our diversity also.” 

Talentadong lokal na artista sa musika

Nito lamang Martes, Pebrero 21, bida ang mga lokal na artista sa larangan ng musika sa pagdiriwang ng DAGUBDOB: Musiko Masbateño, sa Social Center, Masbate City.  

Ayon kay Crizz Baylon, tatlong taon nang nasa industriya ng musika at isa sa mga nagtanghal na local artist, isa umano itong malaking oportunidad upang maipamalas ang kaniyang talento sa beatboxing at rapping. 

“Malaking opportunity sa’min kasi natulungan kami na mga artists na bigyan kami (ng oportunidad) at maipakita sa kanila ‘yung mga talent namin bawat isa… Sobrang napakaimportante po, para maipakita po namin sa buong mundo na ‘yung mga Masbateño, may talents din,” saad nito. 

Aniya’y noon, beatboxing lang talaga ang kaniyang talento, ngunit mas napabuti pa ito at nagkaroon din siya ng kagustuhang ituloy ito sa pamamagitan ng pagra-rap. 

“Tuloy tuloy lang, para sa pangarap, para din sa pamilya at para maka-inspire din sa mga kabataan,” payo ni Baylon sa mga aspiring local artists ng probinsya. | Danica Roselyn Lim

1AC2C8D2 F1D7 4A9E A2AB 2E5D647ADD5A
6D2F5865 B90F 4600 A422 8938DCA07C3A
FB7417C7 C534 4868 9A46 7652CC85A4D6
Share