LEGAZPI CITY – Pormal nang binuksan ang turismo sa Donsol, Sorsogon, nitong Pebrero 16 sa pangunguna ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay Don Llagas, Tourism Officer 1, bukod sa whale shark interaction na sentro ng turismo sa Donsol kasabay ng pagdiriwang ng Butanding Festival na ipinagmamalaki ng bayan, muli nilang binibigyan ng atensyon ang mga sarili nilang produkto na matatagpuan lamang sa naturang munisipalidad.
“Purely ang finifeature lang talaga is only the butanding pero this time aside sa pinaka number one na tourism product namin [na ito,] we will also feature the rest of the tourism products which are available in our municipality for the sustainable tourist destination,” dagdag pa ni Llagas.
Inaasahan ni Alkalde Ted De Guzman na manunumbalik ang sigla ng turismo sa lugar, kung kaya naman patuloy nilang ipinaaalam sa publiko na ang butanding season ay bukas nang muli.
“Galing tayo sa pandemic, medyo hindi masyado ‘yung tourism industry natin dito, bumagsak pero ngayon na nanumbalik na tayo, new normal na tayo, ginagawa na natin na iinform to the public that the whale shark interaction in Donsol is already ready and available,” ani De Guzman sa isang panayam sa Bicol.PH.
Highlights ng pagbubukas ng turismo
Bukod sa mga paghahandang inilatag ng lokal na pamahalaan para sa turismo, nagkaroon din ng motorcade bilang bungad sa mga lokal na residente, kawani ng LGU, at mga bisitang dumalo.
Bida rin ang mga butanding interaction officers at butanding boat operators na nasa 25 taon na sa serbisyo sa isinagawang awarding ceremony ng LGU Donsol na siyang isa sa mga naging highlights ng naturang selebrasyon.
“In 25 years talagang nandyan pa po sila, and sobrang nagpasalamat din sila kasi narecognize po sila. So that is a tribute for them po talaga,” saad ni Llagas.
Nagbabalik na ring muli ang Aribada, na ginagawa lamang ng mga taga-Donsol tuwing opening at launching ng turismo sa bayan.
“Ang pinakahighlight namin aside from the motorcade is ‘yung Aribada, the ritual activity po namin na nag-ooffer po kami ng bulaklak and candles sa municipal water,” ani Llagas.
Pakikiisa ng mga residente
Sa kabila ng mga isinagawang paghahanda, lubos na nakiisa naman ang mga residente ng Donsol upang maisakatuparan ang tagumpay nito.
“Actually, ang mga tao dito sa Donsol, mababait naman e. Nagpapakita ka na ang purpose niyo naman is sa kagandahan,cooperative naman. So, during the time na kami nagpropose na ng grand opening – ininvite namin ‘yung mga sectors, we are encouraging to join the launching in way to inform nga to the public na ready na tayo to cater all those mga visitors coming in,” dagdag pa ni De Guzman.
Aniya’y pati ang local revenue ng Donsol ay positibong naapektuhan din.
“Ang daming stakeholders ang natulungan na nito and at the same time, nag increase ‘yung local revenue ng LGU Donsol. And not only the local revenue of Donsol, but ‘yung mga tricycle operators, drivers, nagka-income sila at saka ‘yung mga resort owners, nagka income sila,” ani De Guzman. | Danica Roselyn Lim
Photos: Donsol Tourism Office