LEGAZPI CITY – Dalawang (2) sundalong miyembro ng Cessna search and rescue unit ang nasawi kahapon, Pebrero 20, matapos pagbabarilin ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Camalig, Albay.
Kinilala ang mga biktima na sina Private John Paul C. Adalim at Private Mark June D. Esico, mga miyembro ng 9th Infantry “Spear” Division na kabilang sa 31st Infantry Battalion at tumutulong sa search and rescue operations sa paghahanap ng bumagsak na Cessna plane sa dalisdis ng bulkang Mayon.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, napag-alaman na habang namimili ng suplay sa palengke ng Barangay Cotmon, Camalig sina Adalim at Esico, inabangan sila ng limang (5) armadong kalalakihan at pinagbabaril. Nagtamo ng matinding tama ang mga biktima na naging sanhi ng kanilang agarang pagkamatay.
Mariing kinondena naman ng 9th Infantry “Spear” Division ang pamamaslang sa kanilang dalawang (2) mga ka-miyembro.
“Pagpapakita rin ito ng kanilang kaduwagan at kawalan ng respeto sa karapatang pantao sa pamamagitan ng pagkitil ng buhay kabilang na ang mga sundalong nakatalaga sanang magpaabot ng tulong at magsalba ng buhay ng ating mga kababayan,” ani Major General Adonis Bajao, Commander ng 9th Infantry “Spear” Division at Joint Task Force Bicolandia (JTFB).
Itinuturing din ni Bajao na kadesperaduhan ng NPA ang nangyari dahil sa sunod-sunod na operasyon ng Philippine Army sa mga kabundukan ng Bikol na nagpapahina pa ng insurhensiya sa rehiyon.
Tiniyak naman ni Dennise Misolania, kapitan ng Cotmon, ang pakikipagtulungan sa imbestigasyon ng mga otoridad. | Arvie Bediones
Photo: Camalig PNP