Daanan umano ng fault line ang bayan ng Uson, Masbate kung nasaan ang St. Peter and Paul Parish na nagtamo ng mga panibagong bitak matapos ang sunod-sunod na lindol sa lalawigan ng Masbate.
Ayon kay Fr. Gregorio Esquillo, Parish Priest ng parokya, nakuhanan niya ng litrato ang aabot sa apat na bitak na dulot ng pagyanig sa harapan ng simbahan na malapit na rin sa main door nito.
“Inikot ko naman ‘yon ng flashlight, hindi na kami umikot kasi natakot na kami. May nakita kaming mga basag na lalagyan ng kandila at ‘yung mga santo, binaba namin kasi nasa platform siya (na mataas),” sagot ni Fr. Esquillo sa isang panayam sa Bicol.PH.
Dagdag pa ni Fr. Esquillo, ramdam na ramdam nila ang lakas ng mga pagyanig nitong umaga.
Sa kabila nito, hindi pa rin naaabot ng Uson MDRRMO ang naturang simbahan ngunit patuloy silang nakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan upang madaanan at mainspeksyon ang kanilang kasalukuyang sitwasyon.
“As of now, hindi pa sila napupunta. Kung ano ang sasabihin nila, kung ano ang nangyayari sa cracks,” dagdag ni Fr. Esquillo.
Apektado rin ang schedule ng misa sa parokya dahil na din sa mga patuloy na aftershocks at paglindol sa lugar.
Aniya’y may itinuturong Uson fault line ang mga residente sa lugar na siyang maaaring naging dahilan ng madalas na pagyanig.
Sa kabila nito, itinanggi ng Uson LDRRMO ang pagkakaroon diumano ng fault line sa St. Peter and Paul Church sa Poblacion, Uson, Masbate.
Ayon kay Cherry Mae Alvaro, wala pang naitatalang fault line and Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa kalupaan ng Uson, Masbate dahil nasa dagat ang unang tala ng fault line sa lugar.
Pero aalamin pa rin daw nila mula sa Phivolcs kung may additional fault line pang naitala dahil sa labis na pinsala na natamo ng simbahan. | Danica Roselyn Lim & Ken Oliver Balde
Photos: Fr. Gregorio Esquillo