Talento sa pagpinta, ipinamalas ng 8-taong gulang mula sa Catanduanes

Hindi hadlang ang murang edad para kay Chloe Merithea Sajo, walong taong gulang mula sa Libod Poblacion, Bato, Catanduanes na ipagpatuloy ang kaniyang pangarap sa pamamagitan ng pagpinta sa kabila ng pagkasira ng iba nitong kagamitan noong dumaan ang bagyong Rolly.

“Nag start siya magpaint sa edad na 5, madami nang painting ang nagawa nya. May mga nakadikit pa po sa wall. Kaso nung bumagyo po ng Rolly natanggal ‘yung bintana ng kwarto namin. Lahat ng gamit at painting niya nasira, ‘yung iba nilipad. Nawalan siya ng gana doon,” saad ng ina nitong si Catherine Sajo.

Mahigit 30 na ang naipinta ni Chloe at isa rin itong honor student kahit nasa ikalawang baitang pa lamang.

Ayon kay Catherine, nagsimulang mahubog ang talento ni Chloe noong limang taong gulang pa lang ito sa pamamagitan ng paggamit ng acrylic at canvass.

“Sinama ko siya sa school supplies store, nakita niya ‘yung water color. Gusto daw niya ‘yun binili ko naman. Pagdating ng bahay, nagtry na siya mag paint tulad ng mga nakikita nya sa YouTube tutorials,” dagdag pa nito.

Naibenta na ang ilan sa mga artworks ni Chloe at nakapundar na rin ito ng ilan sa mga bagay na gusto niyang bilhin.

“May mga paintings din siya na naibenta na at nabili niya ‘yung bike na gusto niya,” ani Catherine.

Ayon rin mismo kay Catherine, kahit na unti-unting sumisikat si Chloe sa larangan ng sining sa kanilang lugar, hindi pa rin umano ito sumasali sa mga paligsahan, ngunit hindi sarado ang pinto ng oportunidad upang magsimula itong sumali sa mga ganitong aktibidad. | Danica Roselyn Lim

IMG 6345
IMG 6343
IMG 6344
IMG 6347
IMG 6350 1
IMG 6351 1

Photos: Catherine Sajo

Share