LEGAZPI CITY- Namataan ang higit sa 11,000 na waterbirds sa rehiyon ng Bicol noong nakaraang buwan ng Enero, ayon sa Asian Waterbird Census (AWC).
Taunang isinasagawa ng AWC ang sensus sa rehiyon tuwing Enero kasabay ng mga internasyonal na sensus sa Africa, Europe at Neotropics sa ilalim ng International Waterbird Census (IWC).
Ito ay pinangunahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Bicol katuwang ang iba’t ibang mga ahensya tulad ng Conservation and Development Division (CDD) sa pamamagitan ng Protected Area Management and Biodiversity Conservation Section (PAMBCS), Provincial Environment and Natural Resources Offices (PENROs), Community Environment and Natural Resources Offices (CENROs), mga local government units (LGUs) at mga bird photographers.
Nakapagtala ang AWC ng iba’t ibang critical habitat at wetlands sa mga probinsya ng Albay, Sorsogon, Camarines Sur, Camarines Norte, Catanduanes at Masbate.
Samantala, namataan naman ang iba’t ibang uri ng ibon kagaya ng Yellow Bittern, White-browed Crake, Tufted Duck, Wandering Whistling Duck, Cattle Egret, Great Egret, Intermediate Egret, Garganey, Grey Heron, Javan Pond Heron, Purple Heron, Striated Heron, Moorhen, Kentish Plover, Common Sandpiper, Greenshank, Northern Shoveler, Black Winged Stilt, Common Tern, Greater Crested Tern, Whiskered Tern, Whimbrel, at Eurasian Wigeon.
Naitala rin ang ilan sa mga vulnerable species kagaya ng Philippine Duck at Chinese Egret.
Samantala, namataan ang near threatened na lahi ng ibon na Red-necked Stint at Eurasian Curlew gayundin ang Far Eastern Curlew na kabilang na sa endangered species.
Ang isinagawang aktibidad ay naglalayong turuan ang publiko patungkol sa kahalagahan ng wetland sites at ang mga ibon na naninirahan sa rehiyon.
Nanawagan sa publiko si DENR Bicol Regional Executive Director Francisco E. Milla Jr. na makiisa sa pangangalaga ng mga hayop at kapaligiran.
Ito ay parte rin ng pagsunod sa Republic Act 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act. | Aaron John Baluis
Photos: DENR Bicol