Estudyante, wagi sa logo-making contest para sa 450th founding anniv ng Libon, Albay

Polangui, Albay – Opisyal nang isinapubliko ang disenyo ng logo na gawa ng isang estudyante sa Libon nitong Lunes, Pebrero 5, para sa ika-450 pagkatatag ng Paroy Festival.

Wagi ang disenyo ng isang estudyanteng nasa ikatlong taon sa kolehiyo mula sa Libon Community College na si Andrei Barela na kumukuha ng kursong Bachelor of Science in Education Major in Science, sa kakatapos lamang na logo-making contest para sa selebrasyon ng nasabing munisipalidad.

Tulad ng iba pang manlalahok, nakaranas din umano si Barela ng mga paghihirap habang pinag-iisipan ang disensyong nakapagpanalo sa kanya, kabilang na rito ang pagiging abala rin sa kaniyang pag-aaral.

“Sa paggawa po ng logo, ‘yung mga struggles po na na-experience ko ay: una, ‘yung pag-iisip kung paano mag sa-standout ‘yung design ko over doon sa ibang nag submit ng entry. Pangalawa po, since sa cellphone ko lang ‘yon ginawa, may mga times po na nag ca-crash ‘yung app then back to zero na naman ako. Pangatlo po, since student pa lang po ako, yes po, hectic po talaga sa schedule pero nakakahanap naman po ng time para isingit yung paggawa ng logo,” saad ni Barela sa isang panayam sa Bicol.PH.

Ayon kay Kaci Abila, Tourism Officer ng Libon, kabilang ang entry ni Barela sa siyam na natanggap na entries para sa nasabing kompetisyon kung saan iba’t ibang indibidwal ang nagtagisan ng talento sa pagdidisenyo.

“Mayroon tayong siyam na entries para sa nasabing contest at mula ito sa iba’t-ibang paaralan, indibidwal at grupo ng mga freelance, amateur, at professional digital artists na taga-Libon,” ani Abila.

Detalyadong konteksto ng disenyo

Sa paglalarawan ni Barela sa kaniyang madetalyeng pag-usisa sa nanalo niyang disenyo, ipinakita nito na hindi nawala ang simbolismo at ang pinaka importanteng nilalaman ng logo – ang kasaysayan ng Libon.

“The elements that make up the logo represent Libon’s rich history and the factors that have fueled its economic development. The symbols for palay and tilapia fish were added into the design because agriculture is a significant component of Libon’s economy and is the prominent source of income for the majority of Libongueos. The cross that people are holding and the galleon represents the town’s founding, which took place 450 years ago,” saad pa ni Barela.

Samantala, inilarawan naman ni Abila na ang disensyong ito ang siyang magiging mukha ng mangyayaring selebrasyon ngayong taon.

“Ito ay parte ng isang taong selebrasyon ng 450th Founding Anniversary ng Libon. Sa katunayan, nakaplano dapat ang unveiling ng logo sa simula ng taon, pero since ginawang contest ito, na move na ng Pebrero. Ito ang magsisilbing mukha ng year-long celebration na ito, hindi lamang ng Libon Paroy Festival 2023. Ang logo ay gagamitin sa branding ng mga programa at activities ng LGU-Libon ngayong taon,” ani Abila. | Danica Roselyn Lim

IMG 6170
IMG 6169
IMG 6171

Photos: FB/Libon Albay Rising

Share