SORSOGON CITY – Tatlumpong mga magsasaka na pawang mga residente ng Sitio Sagap, Macawayan sa Irosin, Sorsogon ang nakaranas ng matinding pagbaha sa kani-kanilang mga palayan ngayong Lunes ng umaga, Enero 30, dulot ng sunod-sunod na pag-ulan sa lalawigan.
Apektado ng baha ang humigit-kumulang na 30 hektaryang taniman.
“Ngayon ay iniisip ko ang mga kapwa ko magsasaka dahil uulit na naman po kami nito ng pagtatanim ng binhi”, ayon kay Elenita Balangitan, isa sa mga apektadong magsasaka.
Ayon sa kanya, binabaha ang kanilang lugar kapag umabot ng apat na oras ang ulan dahil sa sirang dike na malapit sa kanilang lugar. Imbes raw na sa ilog dumaan ang tubig ay umaapaw ito sa kanilang mga palayan.
“Catch-basin po kasi talaga yung lugar ng Sagap, kaya parehas nitong mga sustained rains ay babahain talaga ang lugar lalo’t walang flood control ang ilog dun”, ayon naman kay Ernesto Gile, isang residente ng lugar.
Panawagan naman ng mga magsasaka, “Sana matulungan po kami na ma-backhoe ang ilog dito sa Sagap, kasi habang inaayos ang dike sa unahan ay papunta sa amin ang mga lupa, kaya ang resulta sa mga palayan namin dumadaan ang mga tubig imbes na sa ilog.”
Sa ngayon ay tulong-tulong ang mga magsasaka at residente sa pag-sagip ng kani-kanilang mga palayan upang kahit papaano ay makabawi sa kalugian ng pagsasaka. I via Ralph Kevin Balaguer
Photos: Elenita Balangitan