Legazpi City — Kabilang sa anim na nasawi sa madugong aksidenteng naganap sa Castilla, Sorsogon noong ika-27 ng Enero, ang dalawang guro at isang estudyante na pauwi pa lamang sa kanilang mga bahay matapos magsuspinde ng klase dahil sa masamang panahon.
Kinilala ang mga biktima na sina Karen Jamisola Maquiñana (45), Maribel Lomerio Pardillo (45), mga guro sa San Rafael National High School; at Erik Dioneda (19) estudyante sa Sorsogon State University Castilla Campus.
Sa opisyal na pahayag mula sa Department of Education (DepEd) Division of Sorsogon, sinasabing piniling manatili ng mga naninilbihang guro sa kanilang mga paaralan upang maghanda para sa nalalapit na National Achievement Test (NAT) sa Lunes bago mangyari ang insidente.
Inilarawan bilang isang mabait at maunawaing guro si Maquiñana ayon sa isa nitong estudyante, aniya’y mapagpasensya rin ito kahit madalas ay napakaingay ng kanilang klasrum.
“Napakabait ni Ma’am Karen lalo na sa’kin, sa’min. Si Ma’am Karen ay Math teacher. Minsan kapag nagpapa activity siya [at] kapag hindi [na] namin matapos, pinapa assignment na lang niya. Kahit napakaingay namin pinapasensyahan niya pa rin kami,” saad nito.
“Bago siya mawala, mayroon siyang sinabi na (doon) ako umiyak. Sabi niya sa akin, iimprove ko pa (raw) po ang aking grades dahil matataas. At sabi niya sa akin ipagpatuloy ko (raw) ang aking pag-aaral,” dagdag pa nito.
Sa kabilang banda, lubos na pinagdadalamhati ng Villanueva Gabao Institue Inc. (VGII) ang pagkamatay ng isa sa kanilang alumnus na nasawi rin sa nasabing insidente.
“He was a member of VGII Drum and Lyre Corps and an active Supreme Student Government officer in his batch. A loyal and great friend! You will surely be missed,” pahayag ng VGII Supreme Student Government sa kanilang Facebook post.