Dalawang miyembro ng NPA sa Bicol, sumuko

LEGAZPI CITY – Sumuko na sa awtoridad ang dalawang miyembro ng New People’s Army (NPA) kahapon, Enero 26, matapos ang ilang serye ng pakikipag-negosasyon ng mga awtoridad.

Bandang 12:30 ng tanghali nang boluntaryong sumuko ang nagngangalang “Ka Roy” sa mga awtoridad ng Camarines Norte. Kasabay nang pagsuko ni “Ka Roy” ay sinurender niya ang kaniyang service firearm na kalibre 38 pistol.

Samantala, sa parehong araw bandang 3:30 ng hapon sumuko naman si alyas “Botchoy” sa mga awtoridad na pinangunahan ng San Jacinto MPS at Masbate Police Provincial Office.

Sinurender ni alyas “Botchoy” ang isang unit ng kalibre 38 na revolver na walang serial number, labing anim na live ammunition ng kalibre 38 at isang unit ng hand grenade.

Sina “Ka Roy” at “Ka Botchoy” ay kasama sa magiging benepisyaryo ng Enhanced Comprehensive Local Integrated Program o E-CLIP, na naglalayong tulungan ang mga miyembro ng Communist Party of the Philippines-New-People’s-Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) at Militia ng Bayan (MB).

Makatatanggap naman sila ng cash at livelihood assistance, kasabay ng kabayaran ng mga armas na kanilang sinurender sa mga awtoridad.

Share