1 patay, 1 nawawala sa Bicol dahil sa bagyong Paeng

Sa ulat ng Office of Civil Defense Bicol ngayong araw, Oktubre 31, isa ang namatay sa Mandaon, Masbate, isa ang nawawala sa Mercedes, Camarines Norte habang labing dalawa ang nasugatan dahil sa bagyong Paeng sa mga lalawigan ng Sorsogon, Catanduanes at Camarines Norte.

Residente ng Brgy. Dayao, Mandaon, Masbate ang 60 anyos na si Ronito Arguilles na namatay matapos malunod habang nagngangalan naman na Jaspher Montañez ang mangingisdang nawawala sa Mercedes, Camarines Norte.

Umaabot na sa Php701,412,844.38 ang halaga ng mga napinsalang pananim, livestock, fisheries at mga makina at kagamitan ayon sa partial damage report ng Department of Agriculture Bicol.  

Nasa Php376,059,500.00 naman ang naiulat na pinsala sa mga imprastraktura gaya ng mga tulay at flood control sa mga lalawigan ng Camarines Norte, Camarines Sur, Masbate at Sorsogon.

Ayon naman sa Philippine Coast Guard Bicol, nasa 1703 na mga pasahero, 7 bus, 349 trucks at 223 light vehicles ang stranded sa Maharlika Highway papuntang Matnog Port kaninang madaling araw. Mayroon rin na 98 pasahero ang stranded sa Pasacao Port alas dose kaninang umaga.

Umabot naman sa 51 flights papunta at paalis ng Bicol ang nakansela dahil sa bagyong Paeng mula Oktubre 28 hanggang Oktubre 30.

Share