Kampanyang Sulong Kalikasan: Climate Justice Inilunsad para sa Environmental Awareness Month

Bago matapos ang buwan, nagkaisa ang mga mag-aaral ng Bicol University (BU), mga climate justice advocate, at iba’t-ibang non-governmental organizations sa paglunsad ng kampayang Sulong Kalikasan: Climate Justice ala-una ng hapon hanggang alas-sais ng gabi, Lunes, Nobyembre 25. 

Pinangunahan ng Bicol University Student Council (BU-USC) at Bicol University Pre-Law Society (BU-PLS) ang nasabing aktibidad. 

Sinimulan ang programa sa pamamagitan ng isang parada sa loob ng unibersidad. Sinundan ito ng serye ng talakayan na tumutok sa kahalagahan ng pagkakaisa sa pagsulong ng hustisya para sa klima at kalikasan. 

Ang mga tagapagsalita ay binubuo nila Bill Angelo Bontigao ng Greenpeace Philippines, Wensel “Wen” Valentin ng Reboot Philippines, Ceasar Goyala ng Tulong Kabataan – Bicol at Kabataan Para sa Kalikasan, at ni Princes Ann Ruste ng Sustainable Ocean Alliance Philippines (SOSA).

Tinalakay ni Bontigao ang kahalagahan ng pananagutan para sa pagbabago ng klima at ang muling paghahanda ng mga komunidad. Samantala, binigyang-diin naman ni Ruste ang pagpapanatili ng kaayusan at pangangalaga sa mga karagatan, na mahalaga para sa mga likas-yamang pandagat ng bansa.

Ayon kay Valentin, mahalaga ang mga ganitong aktibidad, lalo na sa rehiyon ng Bicol, upang mabigyan ng boses ang kabataan at maipaabot sa mga duty bearer at opisyal ng pamahalaan ang kanilang mga hinaing tungkol sa climate justice.

Dagdag naman ni Goyala, ang kampanyang ito ay makakatulong sa pagpapalawak ng kamalayan ng mga Bicolano sa lumalalang epekto ng pagbabago ng klima. 

Matatandaang kabilang ang rehiyon ng Bicol sa mga matinding naapektuhan ng sunod-sunod na bagyo tulad ng Kristine, Marce, Nika, Pepito, at Ofel, na nagdulot ng malawakang pinsala sa kabuhayan, kalikasan, at ari-arian. 

Umabot din sa trahedya ang epekto ng mga bagyong ito sa maraming residente sa rehiyon sa loob lamang ng halos dalawang buwan.

Bilang pagtatapos, isang Climate Justice Pledge ang isinagawa, na pinangunahan ni Ceasar Goyala. Sa pamamagitan ng panata, nangako ang mga kalahok na itutuloy ang adbokasiya para sa isang mas ligtas, mas makatarungan, at mas maayos na kalikasan.| Rizza Francisco

IMG 3528
IMG 3527
IMG 3529
Share